mass testing, covid-19, coronavirus
Malacañang File Photos

Ito ang ikalawang bahagi ng isang seryeng may apat na yugto. Basahin ang unang bahagi dito.


Sa isang Facebook post noong May 19, ipinaliwanag ni Salvana na ang mass testing ay kasalukuyan nang nangyayari, pero iba ang tawag dito.

Kung ang ibig sabihin natin sa mass testing ay ang pag-test sa lahat ng taong nasa peligro (at risk), sinusubukan na itong gawin ng pamahalaan at binabayaran na ito. Ang tawag dito’y enhanced targeted (massive) testing.

Noong March 15 pa lang—dalawa’t kalahating buwan nang nakararaan—ay sinabi ng pamahalaan na may sapat na pondo ito para sa mga testing kit. Sa mga panahong iyan, naka-pokus ang DOH sa pag-test sa mga taong (1) kagagaling lamang sa mga high-risk na bansa sa loob ng labing-apat na araw o (2) may mga nakasalamuhang pasyenteng kumpirmadong may COVID-19, ngunit kailangan ay may ipinakikita muna silang sintomas bago sila i-test.

Isang buwan matapos nito (April 14), sinumulan naman ang progressive testing, kung saan isinama na ang mga taong may sintomas ng flu, mga may edad na at may problema na sa kalusugan, at ang mga buntis at healthcare workers na may sintomas. Ayon sa tagapagsalita ng DOH na si Ma. Rosario Vergeire, masasabing progresibo ang testing kapag umabot na sa target na 8,000 tests sa bawat araw, at mapalawak ang saklaw ng pagte-test upang maisama ang mas maraming miyembro ng populasyon. Noong April 20 naman nagsimula ang distribusyon at paggamit ng gawang-Pinoy na GenAmplify COVID-19 rRT-PCR test kit.

“Sa pagkakaalam ko, expanded targeted testing ang [kasalukuyang] stratehiya,” sabi ni Rabajante. Sa expanded targeted testing, kabilang sa tinitingnan ay kung sino ang may sintomas, at sino ang nasa peligrong magkaroon ng COVID-19. Halimbawa nito’y kung ang tao’y isang OFW o frontliner, o kung napabilang siya sa contact tracing (paghahanap sa mga nakasalamuha ng mga pasyenteng pinaghihinalaan o kumpirmadong may COVID-19). “Pero naghahanda ang gobyerno, kasama ang mga pribadong ahensya, na pataasin pa ang kapasidad ng testing mula sa kasalukuyan na around 10,000 tests per day patungong 30,000 hanggang 50,000 tests per day.”

Mass testing‘ o ‘expanded targeted testing‘: Alin ang tama?

Pero bakit nga ba nagkakalituhan sa paggamit ng mga salitang mass testing?

Sa isang virtual press briefing kamakailan, iginiit ng tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque na mali raw ang paggamit ng salitang mass testing sa kontekstong ito. “Wala pong bansa sa buong mundo na tine-test ang lahat ng kanilang mamamayan.”

Ngunit gaya nga ng nauna at paulit-ulit nang sinabi ng mga eksperto, ang mass testing ay hindi nangangahulugang pagte-test sa bawat isa sa milyun-milyong mamamayan ng Pilipinas. Sa katunayan, sa gobyerno na rin mismo nanggaling ang paglilinaw na ito.

Base sa paliwanag ni Vergeire noong April 4: “Hindi po ibig sabihin nito na lahat ng Pilipino ay ite-test natin. Ang mass testing po na ating sinasabi ay isang malawakang testing ng mga taong at risk sa COVID-19.”

“Hindi rin nakakatulong na kahit na ang gobyerno ay hindi nagkakasundo sa mga gamit ng kataga,” obserbasyon ni Trinidad.

Kung titingnan rin ang manifesto ng Scientists Unite Against COVID-19 na inilabas sa publiko noong March 20, malinaw na nakasaad dito na ang hinihingi ay hindi ang pag-test ng lahat ng Pilipino, kundi ang pagpapalawak ng kapasidad natin na mag-test at magproseso ng resulta.

Ang tanong: May diperensya ba talaga kung mass testingexpanded targeted testing ang itawag natin dito?

“Siguro mas magandang ipaliwanag ang depinisyon [ng mass testing] depende sa pakay,” ayon kay Rabajante. “Pwedeng palitan ang pangalan, pero hangga’t hindi malinaw ang pakay, ay malilito pa rin ang publiko.”

“Sa aking pananaw, kahit anong itawag natin dito, magkakaroon at magkakaroon pa rin ng di-pagkakaunawaan—dahil may mga grupo na ayaw intindihin kung ano talaga ang tunay na hinihingi ng mga grupong nagpapahayag ng kanilang saloobin tungkol sa isyu na ito,” sabi naman ni Trinidad. “Maaari mo silang maihalintulad sa mga taong nagbabasa ng headline ng isang article lamang at nakikipag-away na sa iba base dito lang, nang hindi man lang binabasa ang talagang nakasulat sa ilalim ng headline.”

Kung iisiping mabuti, hindi naman nagkakalayo ang ibig sabihin ng mga tao sa mass testing at ibig sabihin ng gobyerno sa expanded targeted testing.

At sa puntong ito—matapos ang ilang buwan ng enhanced community quarantine (ECQ) at napipintong pagbaba nito sa general community quarantine (GCQ)—parang hindi na rin tamang hanggang ngayon ay nasa usaping semantiko pa rin tayo.

Gaya ng sabi ni Trinidad: “Naka-focus tayo masyado sa mga gamit na kataga, na nakakalimutan natin kung ano ang talagang pagtuunan ng pansin at tugunan: ang pangangailangan ng mga tao.”

Sapat nga ba ang testing na nagagawa?

Noong May 11, inamin ni Roque na hindi naabot ang naunang target ng DOH na 8,000 tests kada araw.

Sa kabila nito, ipinagmalaki niya sa isang virtual press briefing noong May 25 na nalampasan na raw ng gobyerno ang target nitong makapagsagawa ng hanggang 30,000 PCR tests sa loob ng isang araw. Ayon sa magkahiwalay na paglilinaw nina Roque at Vergeire, ang tinutukoy dito ay hindi ang aktwal na tests na nagagawa, kundi ang “national testing capacity” o ang pinagsama-sama bilang ng test na kayang gawin ng 42 lisensyadong laboratoryo sa bansa. Ito ay ayon sa bilang ng PCR machines, mga tauhan, at operating hours ng bawat laboratoryo. Maraming mga bagay ang maaaring makaapekto sa operasyon ng bawat laboratoryo, kung kaya’t kahit ganitong karami ang posibleng magawang test ay hindi garantisadong ganitong karami ang talagang nagagawa.

Kung ganoon, ilan ba talaga ang nagagawang test kada araw?

Ayon sa datos mula sa COVID-19 tracker ng DOH, nakapag-test ng 6016 na samples noong May 24, 5,914 noong May 25, at 7,589 noong May 26. Base rin sa pinakahuling tala (May 26), may 289,732 indibidwal na ang nai-test. Ito’y nasa 0.26% lamang ng tinatayang 110 milyong populasyon ng Pilipinas. Nauna nang sinabi ni Roque na ang target ng gobyerno ay ma-test ang 1.5% hanggang 2% ng populasyon.

Noong May 27, naghain ng bagong panukalang-batas ang ilang mambabatas: ang House Bill No. 6848, o ang “Free Mass Testing Act of 2020.” Iminumungkahi nito sa COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pakikipagtulungan sa DOH upang makabuo ng isang COVID-19 Mass Testing plan. Kung maisasakatuparan ang planong ito, magkakaroon ng libreng testing para sa mga pinaghihinalaang may COVID-19, mga nakakasalamuha ng mga posible and kumpirmadong pasyente, mga komunidad na high-risk, mga health workers, at mga sektor ng lipunan na namimiligrong magkaroon ng sakit (tulad ng mga 60 taong gulang pataas na may sintomas, mga buntis, at mga OFW na kauuwi lang).

Malinaw ang katotohanan, kung datos lang ang pagbabasehan: Hindi sapat ang kasalukuyang testing na ginagawa, ano man ang gusto mong itawag dito.

Ito’y katotohanang hindi maitatanggi, katotohanang labas na sa kung ano mang debateng semantiko o paikot-ikot na argumento.

Pero ano nga ba ang mga pwedeng gawin upang makamit ang mass testing na hinihingi? Kaya ba itong gawin, sa kasalukuyang plano at pondo ng gobyerno? Hanggang reklamo na lang ba… o kaya ba talaga ‘tong magawa? (Basahin ang Part 3 dito.)


References

  • http://www.pchrd.dost.gov.ph/index.php/news/6537-up-nih-spinoff-begins-mass-distribution-of-dost-pinoy-made-covid-19-test-kits
  • https://ncovtracker.doh.gov.ph/
  • https://ourworldindata.org/coronavirus-testing
  • https://news.abs-cbn.com/news/05/19/20/harry-roque-mass-testing-expanded-testing-covid19-coronavirus-disease
  • https://newsinfo.inquirer.net/1277415/fwd-palace-no-covid-19-mass-testing-only-expanded-targeted-testing
  • https://newsinfo.inquirer.net/1282357/free-mass-testing-act-pushed-in-the-house-of-representatives
  • https://www.cnnphilippines.com/news/2020/4/4/mass-testing-for-puis-pums-high-risk-patients.html
  • https://www.cnnphilippines.com/news/2020/4/14/Philippines-COVID-19-mass-testing.html
  • https://www.interaksyon.com/politics-issues/2020/05/20/168952/expanded-targeted-testing-vs-mass-testing-is-there-a-difference-between-the-two/
  • https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S8755722314000349
  • https://www.spot.ph/newsfeatures/the-latest-news-features/82252/mass-testing-during-covid-19-pandemic-a833-20200522-lfrm
  • https://www.theguardian.com/world/2020/apr/02/coronavirus-testing-how-some-countries-germany-south-korea-got-ahead-of-the-rest
  • https://www.weforum.org/agenda/2020/04/these-are-the-oecd-countries-testing-most-for-covid-19/

Flipscience bookorder Flipscience book on Amazonpreorder

Author: Mikael Angelo Francisco

Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.