Episode 113: Kaliwa Dam: Tagapagdaloy Ng Ginhawa O Pinsala?
Listen here:
FULL TRANSCRIPT
Habang nire-record ko ‘to, may mahigit sa 300 tao na nasa kalagitnaan ng isang mahaba’t mahirap na paglalakbay. Ang mga taong ito — mga IP o indigenous people na kabilang sa pangkat ng Dumagat/Remontado, ay kasalukuyang naglalakbay ng 150 kilometro, sa pamamagitan lamang ng kanilang mga paa, mula sa kanilang komunidad sa General Nakar, Quezon, papunta sa Malacanang Palace. Aabutin ng siyam na araw ang pagmartsa nilang ito — isang alay-lakad na, sa maniwala kayo’t sa hindi, ay ginawa na rin nila halos labing-apat na taon nang nakalilipas. Muli nila itong ginagawa para sa parehong dahilan: Upang tutulan ang pagtayo ng gobyerno ng isang dam na sinasabing makasisira hindi lamang sa kanilang pamumuhay, kundi pati na rin sa kalikasan.
Marahil ay pamilyar na sa pandinig ng nakararami ang Kaliwa Dam. Naging matunog ang pangalan ng proyektong ito sa mga nakaraang taon, bunsod ng lumalalang krisis sa tubig sa Metro Manila. Pero bakit nga ba mariing tinututulan ng iba’t ibang grupo ang Kaliwa Dam? Posible nga ba na ang isang proyektong isinusulong upang solusyonan ang isang krisis ay magdudulot ng mas malaking problema? Ano ba ang sinasabi ng siyensya at ng mga eksperto tungkol dito?
Ang Kaliwa Dam ay bahagi ng tinatawag na New Centennial Water Source Program na naglalayong solusyonan ang kakulangan ng tubig sa Metro Manila. Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang namumuno sa proyekto.
Ipinangalan ito sa Kaliwa River. Dumadaloy ang Kaliwa River sa silangang hangganan ng Quezon province, at kilala ito dahil sa taglay nitong ganda at sa tubig nitong sumusuporta sa ecosystem at sa mga komunidad na nakatira, nagsasaka, at nangingisda malapit dito.
Ayon sa paliwanag ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, aabot sa 60 metro ang taas ng reservoir o concrete dam na itatatag, at sakop nito ang 291 ektarya ng Kaliwa Watershed Forest Reserve, kabilang na rin ang balwarte ng mga komunidad ng IP sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal.
Ang dam ay magsisilbing harang sa tubig sa Kaliwa River. Sa pamamagitan nito’y maiipon ang tubig, na siya namang dadaan sa isang intake structure, papunta sa itatayong conveyance tunnel na may habang 27.7 kilometro. Pagkatapos, lilinisin ang tubig sa isang treatment plant sa Teresa, Rizal, at kapag nalinis na’y dadaloy naman ito papuntang Metro Manila.
Sa sistemang ito, sinasabing makakapag-produce ng 600 milyong litro ng tubig araw-araw ang Kaliwa Dam kapag nasimulan na ang operasyon nito, at may maximum capacity ito na 2,400 milyong litro ng tubig araw-araw.
Hindi maitatangging mayroong krisis sa tubig sa Pilipinas, at hindi lamang sa Metro Manila. Ayon sa datos mula sa 2016, isa sa sampung Pilipino ay walang access sa maayos at malinis na tubig, at ang acute watery diarrhea ang isa sa sampung pangunahing causes of death sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang halos 97 porsyento ng pangangailangan sa tubig ng humigit-kumulang sa 12 milyong populasyon ng Metro Manila ay nagmumula sa Angat Dam, na pinagkukuhanan ng 4,000 milyong litro ng tubig araw-araw. Ngunit ang supply ng tubig sa Angat Dam ay may hangganan, at patuloy na bumababa sa paglipas ng mga taon. Kung idadagdag pa dito ang patuloy na peligrong dala ng climate change sa mundo at ng El Niño sa bansa, madaling makita kung bakit nagiging malaking problema ang supply ng tubig. Maaalala na noong 2019, ang silangang bahagi ng Metro Manila ay nakaranas ng matinding kakulangan sa supply ng tubig dahil sa pagbaba ng tubig sa Angat Dam lampas sa sinasabing “critical level” nito at sa halos pagkaubos ng backup na water supply sa La Mesa Dam.
Ayon sa World Health Organization, ang kakapusan sa malinis na tubig ay nakapagdudulot ng malnutrisyon at sakit. Maliban kasi sa pag-inom at paggamit ng tubig na hindi malinis, ang hindi maayos na pag-iimbak ng tubig — na ginagawa ng mga tao upang masigurong may magagamit silang tubig kapag dumating ang oras na mahinto ang supply nito — ay maaaring magresulta sa pagdami ng mga lamok (na nakapagpaparami sa marumi at nakaimbak na tubig) at pagkalat ng mga sakit na dala nila.
Ang Kaliwa Dam Project ay hindi ang unang pagkakataong sinubukan ng gobyernong solusyonan ang suliraning ito sa tubig sa pamamagitan ng pagpaplano ng panibagong dam. Sa katunayan, noong 1970s pa lang ay pinangangambahang hindi na masasabayan ng supply ng tubig sa Angat Dam ang patuloy na paglaki ng populasyon sa Metro Manila.
Dahil dito, sinikap ng gobyernong bawasan ang overdependence ng Metro Manila sa Angat Dam, sa pamamagitan ng pagfocus sa water supply ng Kaliwa River Watershed, base sa rekomendasyon ng MWSS noong 1979. Subalit dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas noong mga panahong ito, naging lubhang mabagal ang pag-usad ng proposal na ito, hanggang sa matanggal sa kapangyarihan ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at mapalitan ni Corazon Aquino, na itinigil ang proyekto.
Sa paglipas ng mga taon at administrasyon, ilang beses sinubukang i-revive ang planong pagtatatag ng Kaliwa Dam. Noong 2007, nakapagkalap ng pondo ang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo upang makapagtayo ng dam, ngunit hindi pa rin ito natuloy.
Noong 2009, naging usap-usapan na naman ang pagtatag ng dam dahil sa isang proposal na isinumite ng San Miguel Corporation. Mariin itong tinutulan ng mga IP, at may 200 kataong nagmartsa — katulad ng pagmartsang kasalukuyang nagaganap ngayon — papuntang Malacanang para magprotesta. Pagkalipas ng isang taon, umatras ang San Miguel.
Sa administrasyon ni Noynoy Aquino’y pinag-aralang muli ang dam proposal. Tinawag na itong New Centennial Water Source, at noong 2012 ay nabuo naman ang proposal para sa Kaliwa Low Dam, na dapat ay may kapares na dam sa mas mataas na bahagi ng ilog, ang Laiban Dam. Tanging ang proposal lang para sa Kaliwa Low Dam ang naaprubahan sa panahon ni PNoy.
Noong naging pangulo naman si Rodrigo Duterte, ang naaprubahang plano ay isinama sa inisyatibong “Build, Build, Build” ng kanyang administrasyon. Nakakuha rin ng pondo ang proyekto matapos pautangin ng Tsina ang Pilipinas ng $283.2 milyon.
Mula nang i-anunsyo ang planong itayo ang dam, marami nang grupo ang tumutol dito, dahil sa diumano’y magiging epekto nito sa kalikasan, at dahil madi-displace nito ang mahigit sa 1,400 pamilyang IP sa Quezon at Rizal. Sagot naman ng MWSS dito, hindi naman daw ganoong karaming pamilya ang direktang maaapektuhan, at ang anumang pinsalang magagawa nito sa kalikasan ay maliit lamang.
Tila’y sumasang-ayon ang DENR dito, sapagkat noong 2019, inaprubahan ng ahensya ang environmental compliance certificate ng proyekto, na isa sa mga requirements para umusad ito.
Noong December 2022, iginiit ng MWSS na tuloy na tuloy na ang proyekto, dahil nakuha na raw nila ang lahat ng permit at pumirma na rin daw ang mga IP sa Quezon at Rizal ng memorandum of agreement. Base sa estimasyon ng gobyerno, kung masisimulan ang pagtatayo ng Kaliwa Dam ngayong 2023, matatapos ito pagdating ng 2026, at magiging operational na sa 2027.
Ang isa sa mga puna ng mga kritiko ng proyekto ay ang legalidad ng proyekto. Sinasabing nilalabag nito ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act at ang Expanded NIPAS Act dahil kasama sa lugar na pagtatayuan ng dam ang isang protected forest reserve, ang Kaliwa Watershed Forest Reserve, na may bahaging idineklarang National Park and Wildlife Sanctuary noong 1977. Sinasabi ring hindi raw nakakuha ng “free prior and informed consent” ang pamunuan ng proyekto mula sa mga IP, na itinatanggi naman ng gobyerno.
Ngunit kung isasantabi ang isyu ng legalidad, pagkuha ng permit, at pagpondo — lalo na’t kung iisiping buwis ng buong sambayanang Pilipinas ang magbabayad sa utang na ito, para sa proyektong ang pangunahing makikinabang ay ang mga taga-Metro Manila — maganda sigurong suriin kung ano nga ba ang magiging impact ng Kaliwa Dam sa kalikasan.
Ang Sierra Madre Mountain Range ay ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas. Bilang isa sa kaunting nalalabing rainforest tract sa bansa, nagsisilbi itong tahanan sa 201 na species ng mammal, 252 species ng reptile, 556 species ng ibon, at mahigit sa 85 na species ng amphibians, at ang karamihan sa mga ito’y sa Pilipinas lamang matatagpuan.
Ayon sa Haribon Foundation, 300 ektarya ng kagubatan sa Sierra Madre ang permanenteng babahain kapag naging operational na ang Kaliwa Dam, kabilang na rin ang ilang spring at kweba na malapit dito. Kasama ring malulubog ang ilan sa mga sagradong lugar at ancestral forests ng mga Dumagat-Remontado. Sinabi ng MWSS na babayaran at tutulungang makalipat ng tirahan ang mga IP habang itinatayo ang dam, ngunit siguro’y dapat din nating isipin kung ang ganitong klaseng aksyon ay maituturing na sapat na, sa harap ng lahat ng mga mawawala hindi lamang sa mga IP, kundi sa kultura at kapaligiran ng Pilipinas.
Ang proseso ng pagtatayo ng dam ay magreresulta rin sa hindi maiiwasang pagwasak at pagpatay sa iba’t ibang wildlife species at kanilang tirahan. Ang mga makaliligtas ay mapipilitang humanap ng ibang matitirahan, at maaari ring magsidatingan ang mga invasive species na makakasira sa balanse ng ecosystem. Ilan lamang sa halimbawa ng mga species na maaapektuhan ay ang Philippine Brown Deer, Northern Philippine Hawk-eagle, Northern Rufous Hornbill, at Philippine Warty Pig, pati na rin ang iba’t ibang klaseng puno’t halaman tulad ng Rafflesia o corpse flower, Philippine mahogany, at kalantas. Maging ang Philippine eagle, isa sa mga pambansang sagisag, ay matatagpuan dito, at maaaring mapinsala sa pagtayo ng dam. Ang paniniwala ng gobyerno’y panandalian lamang ang magiging masamang epekto ng proyekto sa kalikasan ng Sierra Madre, ngunit hindi sumasang-ayon ang maraming eksperto.
May mga nangangamba ring maigsi lang daw ang panahong mananatiling maayos ang dam — lima o anim na taon — dahil sa mataas na rate ng sedimentation, o ang paglipat-lipat at pagdeposit ng lupa at sediments bunsod ng pagdaloy ng tubig. Sa pagkapal ng mga naiipong sediments sa paligid ng dam, maaari itong magresulta sa mas malalang pagbaha, polusyon, at tuluyang pagkasira ng ecosystem doon.
Ang isa pang pangamba: Ang dalawang active tectonic plates — ang Philippine Fault Zone at ang Valley Fault System — na malapit sa pagtatayuan ng Kaliwa Dam. Ayon sa pag-aaral mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2003, ang Philippine Fault Zone ay may kakayahang magdulot ng matinding seismic activity, kung ang pagbabasehan ay ang kasaysayan. Sa isang dokumentaryo noong 2019, sinabi ni Dr. Renato Solidum, na noo’y puno ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, na kailangang masusing pag-aralan ang lugar bago ituloy ang pagtatayo ng dam. Ayon sa Save Sierra Madre Network Alliance Inc. (SSMNA), ang pagkasira ng isang dam dahil sa lindol ay maaaring magresulta sa matinding pagkasira ng kapaligiran at pagkamatay ng daan-daang tao, na hindi malayo sa nangyari noong 2004 sa hilagang bahagi ng Quezon.
Madali mang intindihin ang pinanggagalingan ng mga tao at grupong tutol sa pagtatayo ng Kaliwa Dam, hindi nito maiaalis ang katotohanang mayroon talagang krisis sa tubig ang Metro Manila. Pero ang Kaliwa Dam nga ba ang pinakamainam na solusyon dito?
Ayon sa World Health Organization, tungkulin ng gobyernong siguraduhing maayos ang supply ng tubig ng mga taong nasasakupan nito. Iginiit din ng organisasyon na ang sobrang pagdepende sa water supply ng mga ilog at lawa ay hindi sustainable at pangmatagalang solusyon.
Ang mga eksperto’y may mga alternatibong rekomendasyon, gaya ng pag-ayos at pagpapatibay sa mga existing na dam, ang rehabilitasyon ng mga watershed, ang pagdevelop ng mga teknolohiyang naka-focus sa pag-recycle ng tubig at rainwater harvesting, at ang mas pagpapalakas at pagpasa ng mas epektibong mga polisiya tungkol sa water conservation.
Siyempre, ang mga mungkahing ito’y may kanya-kanyang advantages at disadvantages. Hindi rin maitatangging oras na para kumilos upang lutasin ang krisis sa tubig, at wala na tayong masyadong panahon para maupo’t mag-usap habang tuluyang nade-deplete ang supply ng tubig at patuloy na tumataas ang populasyon at pag-konsumo.
Pero sa paghahanap ng solusyon sa mga problema ng bayan, dapat ay timbangin din ang mga negatibong epektong maari nilang maidulot — pansamantala man o permanente — at kung tunay nga ba silang solusyong maaasahan, hindi lamang para sa kasalukuyan, kundi para rin sa kinabukasan.
References:
- https://www.change.org/p/president-ferdinand-marcos-jr-stop-kaliwa-dam-save-our-future
- https://www.philstar.com/business/2022/12/12/2230129/kaliwa-dam-project-pushing-through-mwss
- https://opinion.inquirer.net/159569/save-sierra-madre-stop-kaliwa-dam
- https://newsinfo.inquirer.net/1161447/impact-report-on-kaliwa-dam-deficient-not-conclusive
- https://www.tatlerasia.com/power-purpose/ideas-education/kaliwa-dam-project-explained
- https://www.cnnphilippines.com/news/2019/10/23/environmental-compliance-certificate-Kaliwa-Dam-project-.html
- https://globalvoices.org/2021/09/14/china-funded-kaliwa-dam-in-the-philippines-flagged-for-irregularities/
- https://news.mongabay.com/2019/11/a-philippine-tribe-that-defeated-a-dam-prepares-to-fight-its-reincarnation/
- https://www.philstar.com/business/science-and-environment/2018/11/29/1872521/kaliwa-dam-will-destroy-sierra-madre-biodiversity
- https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-why-should-construction-kaliwa-dam-stopped/
- https://www.who.int/philippines/news/feature-stories/detail/water-shortage-in-the-philippines-threatens-sustainable-development-and-health
- https://emb.gov.ph/wp-content/uploads/2019/08/Kaliwa-Dam_EIS.pdf
- https://businessmirror.com.ph/2020/05/28/all-eyes-on-the-kaliwa-dam-project-will-its-benefits-outweigh-the-costs/
- https://www.youtube.com/watch?v=-x9udr5a7qQ
- https://www.water.wa.gov.au/water-topics/waterways/threats-to-our-waterways/erosion-and-sedimentation#:~:text=Sedimentation%20occurs%20when%20eroded%20material,by%20the%20flow%20of%20water
- https://newsinfo.inquirer.net/1183868/quakes-may-be-a-warning-on-kaliwa-dam-say-critics
- https://www.policyforum.net/metro-manilas-endless-water-woes/
- https://www.denr.gov.ph/index.php/news-events/press-releases/3567-denr-contingency-plan-for-angat-dam-in-place
The Ask Theory Podcast is available via these platforms — make sure to subscribe, as we’ll be releasing a new episode every week:
Spotify: LINK
Apple Podcasts:LINK
Anchor: https://anchor.fm/ask-theory
Breaker: https://www.breaker.audio/ask-theory
Google Podcasts: LINK
Pocket Casts: https://pca.st/gv6jxkki
Music: Hopeful Cinematic Ambient by bdProductions; My Mysterious Planet by Free Music