•Hanggang ngayon ay wala pa ring natatagpuang dinosaur sa Pilipinas—at malabong mangyari ito.
•Ito’y sapagkat ang arkipelago ng Pilipinas ay nabuo lamang 5 milyong taon matapos malipol ang mga dinosaur.
•Sa kabilang banda, maraming ibang prehistorikong hayop na nabuhay sa Pilipinas noong panahon ng Pleistocene.
(Na-update noong ika-6 ng Mayo, 2020) Hindi madaling maging panatiko ng mga dinosaur kung nakatira ka sa Pilipinas.
Maliban sa Jurassic Park at mga katulad nitong pelikula, mga lumang isyu ng National Geographic na matatagpuan sa suki mong Book Sale, o ang mga iba’t ibang gamit na may nakangiting mukha ni Barney at ng kanyang mga kaibigan na mabibili mo sa Divisoria, bihirang mapag-usapan ng mga Pinoy ang mga tinatawag sa Ingles na “terrible lizard” na nabuhay sa mundo milyun-milyong taon bago pa sumulpot ang ating mga ninuno.
Ang isa sa pinakamalaking dahilan? Ayon sa talaan ng mga fossil (mga labi o buto ng mga sinaunang hayop at halaman), walang mga dinosaur na nabuhay sa Pilipinas.
May dinosaur kung saan-saan… maliban sa Pilipinas
Samantala, sa iba’t ibang dako ng mundo, kaliwa’t-kanan ang mga kagila-gilalas na natutuklasan ng mga eksperto sa paleontolohiya.
Nariyan ang fossil ng dinosaur na Psittacosaurus mula sa Tsina, na sa ganda ng kondisyon ay nagamit ng mga dalubhasa upang mabuo ang pinakamakatotohanang rebulto ng isang dinosaur sa kasalukuyan.
Sa Canada naman, hindi inaasahang natagpuan ng mga minero ang napakagandang fossil ng nodosaur (isang uri ng dinosaur na may baluti, gaya ng Ankylosaurus). Ito’y pinangalanang Borealopelta markmitchelli ng mga paleontologo.
Samakatuwid, habang ang mundo ay abala sa pagsasaayos ng mga kategorya ng dinosaur at pagtuklas sa tunay na sanhi ng kanilang pagkalipol, tayo naman ay nag-aantay pa rin na dumating ang araw na may makita tayong Tyrannosaurus rex o mga kauri nito dito sa Pilipinas.
Sa unang tingin, hindi naman malabo. Isang halimbawa ang New Zealand: Matapos ang mahabang panahon na walang natagpuang dinosaur sa bansang iyon, may natuklasang fossil ng isang theropod (dinosaur na kumakain ng karne at naglalakad gamit ang dalawang paa imbes na apat) sa Northern Hawke’s Bay noong 1975.
Kung ganoon, bakit wala pa rin tayong natatagpuang mga dinosaur sa Pilipinas?
Ang tumataginting na tanong
Sa totoo lang, simple lang ang sagot—at matatagpuan ito sa kasaysayang heolohiko ng ating bansa.
Pinaniniwalaang nabuo ang arkipelago ng Pilipinas noong panahon sa pagitan ng bandang katapusan ng Oligocene (28.1 hanggang 23.03 milyong taong nakalipas) at kalagitnaan ng Miocene (16 hanggang 11.6 milyong taong nakalipas).
Ang unang-unang isla ng Pilipinas ay pinaniniwalaang lumitaw mula sa ilalim ng karagatan mga 60 milyong taon nang nakaraan. Sa kasamaang-palad, limang milyong taon bago ito nangyari ay namatay na ang mga huling natitirang dinosaur sa mundo.
Sa madaling salita, wala pang natatagpuang dinosaur sa Pilipinas (at malabong may matagpuan tayo dito) dahil hindi pa nabubuo ang mga isla ng Pilipinas noong panahon ng mga dinosaur.
Mga hayop na nabuhay sa prehistorikong Pilipinas
Hindi naman ito nangangahulugang walang matatagpuang mga sinaunang hayop sa Pilipinas.
Noong bagong buo pa lang ang arkipelago ng Pilipinas, nakakabit ito sa iba’t ibang dako ng Asya sa pamamagitan ng mga tulay na lupa. Karamihan sa mga tulay na ito ay nakalubog sa tubig, at lumilitaw lang sa pagtaas-baba ng tubig sa karagatan.
Ang mga tulay na ito ang ginamit ng mga dambuhalang mamipero (mammal) galing sa New Guinea at Indonesia upang makatawid papuntang Pilipinas.
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng mga sinaunang espesiye na minsa’y nabuhay sa Pilipinas.
Stegodon (Stegodon luzonensis; Stegodon mindanensis)
Ang kamangha-manghang hayop na ito ay nabuhay sa Luzon at Mindanao noong bandang katapusan ng Pleistocene.
Sinasabing nalupil ito dahil sa mga pagbabagong heolohikal sa mundo, at dahil na rin sa pinakamahusay na mamamatay-espesiye ng kalikasan: ang mga tao.
Philippine rhinoceros (Rhinoceros philipinensis)
Ang dambuhalang rhinoceros na ito ay kauri ng mga rhino ng Sumatra, at nabuhay sa Pilipinas noong panahon ng Pleistocene.
Sa kasawiang-palad ay wala pa tayong natatagpuang buong kalansay ng Rhinoceros philippinensis; tanging fossil ng pang-itaas na panga nito ang hawak natin sa ngayon.
Dwarf buffalo (Bubalus cebuensis)
Unang inilarawan noong 2006, ang dwarf buffalo mula sa panahon ng Pleistocene ay kumakain ng halaman, at kalahati lamang ng laki (ngunit doble ang timbang) ng isang tao.
Fossil batomys (genus Batomys)
Ang sinaunang dagang ito ay endemiko (matatagpuan lamang o nagmula) sa Pilipinas, at nabuhay kasabay ng mga ibang hayop dito noong panahon ng Pleistocene.
Basahin ang artikulong ito sa Ingles.
Erratum: Ang naunang bersyon ng artikulong ito ay nagkamali sa pagsasaad ng pinaniniwalaang panahon kung kailan nabuo ang arkipelago ng Pilipinas. Naitama na ang pagkakamaling ito.
Pangunahing larawan: Wikimedia Commons (Tyrannosaurus rex); DK (Triceratops); Shutterstock (Philippine map)
Sanggunian
- https://www.academia.edu/13691128/The_first_fossil_record_of_endemic_murid_rodents_from_the_Philippines_A_Late_Pleistocene_cave_fauna_from_northern_Luzon
- https://www.nationalgeographic.com/news/2017/08/nodosaur-dinosaur-fossil-study-borealopelta-coloration-science/
- https://www.nzgeo.com/stories/the-hunt-for-new-zealands-dinosaurs/
- https://www.philstar.com/business/science-and-environment/2005/07/28/288642/dinosaurs-151-and-why-we-didn146t-have-them-philippines
- https://www.sciencedirect.com/science/article/pii/0743954786900036
- https://www.theatlantic.com/science/archive/2017/03/dinosaur-family-tree-saurischia-ornithischia-childhood-shattered-what-is-real-anymore/520338/
- https://www.theguardian.com/science/2016/sep/14/scientists-reveal-most-accurate-depiction-of-a-dinosaur-ever-created
Author: Mikael Angelo Francisco
Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.